Bokal, itinuturong mastermind sa pagpapapatay sa misis na mayor sa Bohol
Kumanta na ang mga suspek sa pagdukot at pagpatay kay Bien Unido Mayor Gisela Boniel tungkol kung sino talaga ang utak sa likod ng krimen na ito.
Humarap sa isang pulong balitaan ang pinsan ni Bohol Provincial Board Member Niño Rey Boniel na si Riolito Boniel at ang driver niyang si Randel Lupas.
Dito nila inamin na si Niño talaga ang nasa likod ng pagpapapatay sa kaniyang misis noong gabi ng June 7.
Kwento ni Riolito, iginapos ni Niño ang kaniyang misis at saka binusalan ang bibig gamit ang duct tape, bago siya balutin ng kumot.
Ayon naman kay Lupas, iniutos ni Niño sa kaniya at sa isa pang nakilala lang sa pangalan na “Jay-r” na isakay na sa pump boat si Gisela.
Aniya, nagpapalag si Gisela nang bitbitin niya ito.
Binalutan muna si Gisela ng lambat na may naka-tali na mga batong may bigat na nasa 30 kilo bago siya binaril.
Pagkatapos barilin ang alkalde, itinapon na ang bangkay nito sa katubigan sa pagitan ng Cebu at Bohol.
Dagdag pa ni Riolito, batid niyang nag-aaway na nga ang mag-asawa dahil sa ilang problema.
Sa ngayon ay naka-ditine na ang tatlo sa Police Regional Office sa Central Visayas para masampahan ng kasong kidnapping at murder.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.