Noong nakaraang Biyernes, napatay ang labintatlong Marines habang sugatan ang apatnapung iba pa sa pakikipagsagupa sa mga bandido sa Barangay Lilod Madaya sa Marawi.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, naniniwala sila na sa naturang lugar nagtatago si Hapilon, kasama ang ilan pang mga dayuhang terorista.
Sinabi pa ni Padilla na posibleng nasa Mindanao na ang mga dayuhang terorista bago pa man sumiklab ang kaguluhan sa Marawi City noong May 23.
Malaki aniya ang posibilidad na nasa lugar si Hapilon kung kaya ang naturang barangay ay punung-puno ng mga miyembro ng Maute group.
Bukod dito, naniniwala din ang AFP na mayroong mga sibilyan na bihag ang Maute group sa nasabing barangay.
Dagdag ni Padilla, ang tanging layunin ng Marines ay bigyan ng seguridad ang mga bihag na sibilyan sa Barangay Lilod Madaya.
Matapos ang insidente, babawasan na aniya ng militar ang airstrikes at sisikapin na madagdagan naman ang ground assaults sa mga lugar na hawak pa rin ng Maute group.
Sa ngayon, ani Padilla, ay hindi pa nila masasabi kung ilang Maute members at foreign fighters ang nananatili pa rin sa Marawi City, kabilang na sa Barangay Lilod Madaya.
Mailalabas lamang aniya ng mga detalye ukol sa dayuhang terorista kapag natapos na ang operasyon sa Marawi City.