Hapilon, posibleng nagtatago sa lugar sa Marawi kung saan napatay ang 13 Marines

By Mariel Cruz June 11, 2017 - 11:03 AM

Posibleng pinagpupugaran ng Abu Sayyaf leader at sinasabing emir ng ISIS sa Pilipinas na si Isnilon Hapilon at mga dayuhang terorista ang isang barangay sa Marawi City kung saan napatay ang labintatlong miyembro ng Philippine Marines.

Noong nakaraang Biyernes, napatay ang labintatlong Marines habang sugatan ang apatnapung iba pa sa pakikipagsagupa sa mga bandido sa Barangay Lilod Madaya sa Marawi.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, naniniwala sila na sa naturang lugar nagtatago si Hapilon, kasama ang ilan pang mga dayuhang terorista.

Sinabi pa ni Padilla na posibleng nasa Mindanao na ang mga dayuhang terorista bago pa man sumiklab ang kaguluhan sa Marawi City noong May 23.

Malaki aniya ang posibilidad na nasa lugar si Hapilon kung kaya ang naturang barangay ay punung-puno ng mga miyembro ng Maute group.

Bukod dito, naniniwala din ang AFP na mayroong mga sibilyan na bihag ang Maute group sa nasabing barangay.

Dagdag ni Padilla, ang tanging layunin ng Marines ay bigyan ng seguridad ang mga bihag na sibilyan sa Barangay Lilod Madaya.

Matapos ang insidente, babawasan na aniya ng militar ang airstrikes at sisikapin na madagdagan naman ang ground assaults sa mga lugar na hawak pa rin ng Maute group.

Sa ngayon, ani Padilla, ay hindi pa nila masasabi kung ilang Maute members at foreign fighters ang nananatili pa rin sa Marawi City, kabilang na sa Barangay Lilod Madaya.

Mailalabas lamang aniya ng mga detalye ukol sa dayuhang terorista kapag natapos na ang operasyon sa Marawi City.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.