U.S special forces tumutulong na sa AFP kontra Maute group

Inquirer file photo

Kinumpirma ng U.S Embassy na tumutulong na ang ilang mga tauhan ng U.S special forces sa pamahalaan para tapusin ang halos ay tatlong linggo na ngayong kaguluhan sa Marawi City.

“At the request of the government of the Philippines, US special operations forces are assisting the AFP with ongoing operations in Marawi that helps AFP commanders on the ground in their fight against Maute and ASG militants,” ayon sa advisory na inilabas ng U.S Embassy.

Tumanggi naman ang Embahada ng America na idetalye pa kung anong tulong ang kanilang ibinibigay sa tropa ng pamahalaan.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Philippine Army 1st Infantry Division Spokesman Lt. Col. Jo-ar Herrera na may mga tropa ng U.S ang tumutulong sa militar pero ito ay hanggang sa technical support lamang at hindi sila kasama sa actual combat operations partikular na sa Marawi City.

Kahapon ay may mga reports na nakitang lumilipad sa paligid ng Marawi City ang isang U.S plane.

Tumanggi naman si Herrera na kumpirmahin kung ang pagtulong ng U.S ay may kaugnayan sa naging pahayag ng pamahalaan na tatapusin sa Independence Day celebration sa Lunes ang gulo sa Marawi City.

Read more...