Sa gitna ng diplomatic crisis sa bansang Qatar, mas ninais umano ng mga Overseas Filipino workers na manatili sa mga bansa sa Middle East.
Ito ang sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac.
Dagdag pa ni Cacdac, nananatili pa ring normal ang sitwasyon sa Qatar sa kabila ng nangyaring panic buying ng mga residente doon.
Patuloy din ang pakikipag-ugnayan nila sa mga Pinoy na manggagawa sa nasabing bansa at handa naman sila sakaling magpasya ang mga ito na umuwi ng Pilipinas.
Nagkaroon ng tensyon sa Gitnang Silangang nang magpasya ang mga bansang Saudi Arabia, Egypt, United Arab Emirates at ang Bahrain na putulin ang ugnayang pang-diplomatiko sa Qatar dahil sa alegasyon na pinopondohan at sinusuportahan nito ang mga teroristang grupo gaya ng ISIS.
Agad naman itong itinanggi ng Qatari government.
Tiniyak din ni Cacdac na nakamonitor sila sa sitwasyon sa tulong na rin ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Nauna nang sinuspindi ng DOLE ang OFW deployment sa Qatar bagaman binawi rin ito ni Secretary Silvestre Bello III.