Nawawalang katawan ng alkalde ng Bien Unido, Bohol, pinaghahanap pa rin

CDN Photo | Benjie Talisic

Patuloy ang paghahanap ng mga otoridad sa nawawalang katawan ni Bien Unido, Bohol Mayor Gisela Boniel.

Si Boniel ay binaril at pinatay ng mga dumukot sa kaniya noong Miyerkules ng gabi at saka itinapon ang katawan sa dagat.

Dinakip naman dahil sa insidente ang asawa niyang si Niño Rey Boniel na isang board member, pinsan nitong si Kevin at driver na si Randel Lucas sa hinalang may kinalaman sila sa krimen.

Sa ngayon patuloy na ginagalugad ng mga otoridad ang karagatan ng Engaño sa Mactan.

Ayon kay Central Visayas Police director, Chief Supt. Noli Taliño, kailangan nila ng dagdag na technical divers at air tanks para sa paghahanap sa katawan ng alkalde.

Kahapon pa inumpisahan ang paggalugad sa Punta Engaño dahil nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis na doon itinapon ang katawan ng biktima.

 

Read more...