Humanitarian ceasefire, posibleng muling ideklara sa Marawi City
Pinag-aaralan ngayon ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang muling pagdedeklara ng humanitarian ceasefire sa pagitan ng militar at teroristang Maute group sa Marawi City.
Sa isang pahayag, sinabi ni Office of the Presidential Adviser on the Peace Process Asec. Dickson Hermoso, layunin ng tigil putukan na mailigtas ang hindi bababa sa dalawang libong sibilyan na hanggang ngayon ay naiipit pa rin sa kaguluhan sa Marawi.
Prayoridad aniya sa paglilikas ay ang mga may sakit, sugatan, mga bata, kababaihan at mga matatanda.
Noong isang linggo, nagbigay ng go signal si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbubukas ng peace corridor kasunod ng naging pulong nito kay MILF chair Murad Ibarim sa Malacañang.
Binuksan ang unang peace corridor sa Banggulo Bridge patungong Quezon Avenue sa loob ng conflict zone.
Kahapon, binuksan naman ang ikalawang peace corridor mula sa bayan ng Malabang patungong Marawi bilang alternatibong ruta sa pagdedeliver ng relief assistance.
Una nang ipinatupad noong nakaraang linggo ang apat na oras na humanitarian ceasefire sa Marawi City, kung saan aabot sa 134 na sibilyan ang nailigtas sa gulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.