Naarestong dating mayor ng Marawi City matagal nang financier ng Maute brothers
Matagal na umanong financier ng magkapatid na Abdullah at Omar Maute si dating Marawi City Mayor Fajad Salic na naaresto Miyerkules ng gabi sa isang checkpoint sa Villanueva, Misamis Oriental.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Regional Military Spokesman Brigadier General Gilbert Gapay, logistics at financial support ang ibinigay na tulong ni Salic noon pang formative years ng magkapatid na Maute.
Ito aniya ang dahilan kung kaya sa ilalim ng martial law sa Mindanao, kasama sa arrest order si Salic at kakasuhan ito ng rebelyon.
Bukod kay Salic, tatlong iba pa na kasama nito sa sasakyan ang inaresto kagabi ng mga otoridad.
Gayunman, hindi pa matukoy ni Gapay ang pagkakakilanlan ng tatlong kasama ni Salic dahil sumasailalim pa sila sa booking process.
Pagtitiyak ni Gapay, isasalang sa inquest proceedings ang apat ngayong araw at sasampahan na ng kasong rebelyon.
Sinusuri na rin aniya ngayon ng PNP Misamis Oriental kung may iba pang kasong kinakaharap si Salic.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.