NPA, inatasan ng NDFP na tulungan ang AFP sa laban sa Marawi
Ipinag-utos na ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na malapit sa Marawi City, na tulungan ang pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para labanan ang mga terorista.
Ayon kay NDFP chief negotiator Fidel Agcaoili, inatasan na nila ang Moro Revolutionary Liberation Organization (MRLO) sa loob ng Marawi na lumaban sa Maute at Abu Sayyaf groups.
Ang MRLO ay isang underground revolutionary organization ng mga Moro na nagsanay sa maraming mandirigma ng NPA na nasa Western Mindanao, Zamboanga Peninsula at North Cotabato.
Ayon pa kay Agcaoili, maaring makipagtulungan ang MRLO at NPA sa AFP sa pamamagitan ng pagpapanatili ng “safe distance” sa isa’t isa, at “independence and initiative.”
Ito aniya ay upang maiwasan ang problemang maaring umusbong kapag naghalo ang mga tauhan ng AFP at PNP.
Kaugnay naman ng localized ceasefire at pakikipagugnayan, maari itong mapagkasunduan muna sa pagitan ng negotiating panels ng pamahalaan at ng NDFP.
Giit ni Agcaoili, dapat nang maganap agad ang pagpupulong tungkol dito dahil batid na nagsasabwatan na ang mga dayuhan at lokal na pwersa para sirain ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang naudlot ang ika-limang round ng peace talks ng pamahalaan at ng NDFP noong May 27 hanggang June 2, dahil sa kautusan ng Communist Party of the Philippines sa NPA na paigtingin ang mga pag-atake sa Mindanao bilang pag-kondena sa martial law.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.