Batanes itinanghal na “drug-free” province ng PDEA
Idineklara ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang lalawigan ng Batanes bilang kauna unahang lalawigan sa bansa na malinis na sa iligal na droga.
Ang sertipikasyon ay inisyu ni PDEA Director General Isidro S. Lapeña matapos na maabot ng Batanes ang mga kwalipikasyon na itinakda ng Dangerous Drugs Board (DDB) sa ilalim ng Section 8, ng DDB Board Regulation No. 3 Series of 2017, o ang “Strengthening the Implementation of the Barangay Drug Clearing Program”.
Iginawad ang sertipikasyon kay Batanes Governor Marilou Cayco at sa Provincial PNP Director nito na si S/Supt. Agustin Tamangen sa isang simpleng seremonya sa HRTC Hall ng Provincial Capitol sa Basco, Batanes.
Ang Batanes ay may anim na munisipalidad kabilang ang Basco, Sabtang, Uyugan, Ivana, Itbayat at Mahatao at 29 na barangay na lahat ay idineklarang “drug-cleared” ng mga Chiefs of Police nito at pinagtibay ng mga mayors na tumatayo ding Chairman ng Municipal Anti-Drug Abuse Councils (MADACs) noong Disyembre 29, 2016.
Pormal na idineklara ang Batanes na drug free noong Hunyo 2, 2017 matapos na maberipika ng mga miyembro ng Oversight Committee na kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa Philippine National Police (PNP) at Department of Interior and Local Government (DILG).
Base sa ulat, mayroong 23 na mga drug surrenderer sa Batanes mula nang umpisahan ang Oplan Double Barrel at Project o “Tokhang” ng PNP noong July 2016.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.