Problema sa sistema ng BPI hindi umano sanhi ng hacking
Nilinaw ng pamunuan ng Bank of the Philippine Islands (BPI) na hindi napasok ng hacker ang kanilang sistema.
Ayon kay BPI President at CEO Cezar Consing ang naganap na “system glitch” ay hindi dahil sa hacking kundi isang internal issue na kanila nang tinutugunan.
Paliwanag ni Consing, may kinuhang maling ‘file’ ang kanilang sistema kaya nagkaroon ng problema sa mga transaksyon na ginawa mula April 27 hanggang May 2.
Ang mga kliyente na nag-transact sa BPI sa nasabing mga petsa ang maaring apektado ng problema.
“We have identified an internal system error that caused some transactions occurring between April 27 and May 2 to be double-posted as of June 6,” ayon sa BPI.
Humingi naman ng paumanhin si Consing sa mga apektadong kliyente.
Sa ngayon sinuspinde muna ng BPI ang access sa electronic channels upang mas mapabilis umano ang pagtugon sa problema. Ito ang dahilan kaya hindi maka-access online ang mga kliyente.
Ang mga branch naman ng BPI ay mananatiling bukas ngayong araw.
Sa mga susunod na oras ayon kay Consing ay inaasahang maisasaayos na ang problema at maitatama ang mga nadoble o hindi otorisadong transaksyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.