Deployment ban sa Qatar, babawiin din agad ng DOLE
Hindi dapat mabahala ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Qatar bunsod ng ipinatupad na temporary deployment ban ng Department of Labor and Employment (DOLE) .
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na hindi naman magtatagal ang pag-iral ng ban.
Miyerkules ng madaling araw aniya nang makausap niya sa telepeno ang labor attaché sa Qatar at tiniyak naman nitong normal ang sitwasyon ng mga OFWs doon.
Ani Bello, hinihingan na niya ng written advisory ang embahada ng Pilipinas sa Doha para gamiting batayan sa pagbawi ng deployment ban.
“Kanina kausap ko ang aming labor attaché normal ang assessment nila. Sabi ko sa kanila bigyan nila ako ng written advisory, by today or tomorrow malalaman ninyo kung ili-lift ko ang suspension,” ayon kay Bello.
Nakatanggap din ng katiyakan ang DOLE mula sa Labor Minister ng Qatar na maayos at normal ang sitwasyon doon.
“Yes there was panic but now normal na sitwasyon, this was the assurance of Qatar Labor Minister. Back to normal”, dagdag pa ni Bello.
Tiniyak din ni Bello na tanging ang mga bago o paalis pa lamang na OFWs ang apektado ng kasalukuyang ban.
Ang mga nagbabakasyong OFWs naman na mayroong existing contract o mga tinaguriang “Balik Manggagawa”, hinimok ni Bello na magpa-rebook o i-extend pa kahit saglit ang kanilang pananatili sa Pilipinas habang mainit pa ang sitwasyon sa Qatar.
Ngayon araw ay magpupulong ang crisis committee ng DOLE para talakayin ang sitwasyon sa Qatar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.