Pag-activate ng sprinkler system sa kasagsagan ng sunog, ipinakita ng Resorts World

 

Inilabas ng Resorts World Manila sa kanilang official Facebook page ang isang kopya ng CCTV footage kung saan sinunog ng attacker ang ilang gaming tables sa kanilang casino.

Sa naturang kopya, binigyang diin ng Resorts World na gumana ang kanilang sprinkler system nang masunog ang kanilang mga gaming tables.

Ayon sa kanilang caption, nag-activate ang kanilang sprinkler system ilang segundo lang matapos magliyab ang mga casino tables na sinunog ng suspek na si Jessie Carlos.
Binilugan pa sa naturang video ang bahagi ng sprinkler system para makita nang mas malinaw ng mga manonood ang paglabas ng tubig mula dito.

Hindi ito masyadong pansin dahil sa liwanag ng bumbilya na malapit dito, at kalat ang paglabas ng tubig kaya nagmistula lang itong usok.

Mapapansin naman sa video na unti-unting naapula ang apoy sa mesa habang patuloy na naglalabas ng tubig ang sprinkler system.

Ginawa ng Resorts World ang post kasunod ng kaliwa’t kanang pagbatikos sa kanila ng publiko, sa kung bakit hindi umano gumana ang sprinkler system ng casino nang sunugin ito ng suspek.

Umabot sa 38 ang nasawi at mahigit 50 ang nasugatan sa nangyaring insidente, at karamihan sa kanila ay dahil sa suffocation bunsod ng makapal na usok na idinulot ng sunog.

Read more...