Inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa Davao City si Casamora Maute na sinasabing ama ng mga lider ng Maute terror group na sina Abdullah at Omar.
Sa report ng PNP, ang nakatatandang Maute ay naaresto ng mga operatiba ng Task Force Davao sa isang checkpoint sa Barangay Sirawan sa Toril District.
Kasamang inaresto ang isa sa mga asawa nito na kinilalang si Farhana habang sakay ng isang Toyota Grandia Van.
Sinabi ni Lt. Col. Nestor Mondia, detachment commander ng Task Force Davao na hindi naman nanlaban ang mga sakay ng van ng silang maharang sa checkpoint.
Ang grupo ni Casamora Maute ay kasalukuyang isinasa-ilalim sa interogasyon ng mga otoridad ayon pa kay Mondia.
Noong May 23 ay magugunitang pinangunahan nina Abdullah at Omar ang pananakop sa ilang Barangay sa Marawi City sa tulong ng mga miyembro ng Abu Sayyaf Group sa pamumuno ni Isnilon Hapilon.