DepEd hinikayat ang mga magulang sa Marawi City na ipa-enroll ang kanilang anak sa mga kalapit na eskwelahan
Hinimok ni Education Secretary Leonor Briones ang mga magulang sa Marawi City na i-enroll pa rin ang kani-kanilang mga anak sa mga paaralan, sa gitna ng nagpapatuloy na krisis sa siyudad dahil sa pag-atake ng mga miyembro ng grupong Maute.
Sa isang pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Briones na mainam na makapag-enroll ang mga estudyante sa mga kalapit na eskwelahan ng Marawi City, upang makapasok pa rin ngayong panibagong school year.
Ayon kay Briones, batay sa nakalap nilang ulat ay may ilang Marawi City students ang nag-enroll na sa ibang mga paaralan, kung saan pinakamalayo aniya ay sa Tarlac.
Aabot sa 69 ang mga paaralan sa Marawi City, pero ani Briones, wala pang report mula sa ARMM kung ilan ang apektado o nasira dahil sa krisis sa lugar.
Ani Briones, base pa rin sa ARMM, nasa 20,000 ang learners sa Marawi City, pero nasa 1,391 pa lamang ang nakapag-enroll.
At upang mahikayat ang mga magulang na i-enroll ang kani-kanilang mga anak, sinabi ni Briones na nai-waive na ng Deped ang documentary requirements, at banggitin lamang na taga-Marawi City sila.
Tiniyak din ni Briones na libre ang edukasyon para sa Marawi City, partikular ang mga papasok sa public schools.
Sa ngayon, hindi pa aniya nagsisimula ang klase sa Marawi City dahil pa rin sa tumitinding tensyon doon, at hindi pa sigurado kung kailan ang class opening dahil naghihintay pa ng abiso.
Subalit kung ang DepEd aniya ang tatanungin ay nais nilang magbukas na ang klase sa Marawi City upang hindi mapagkaitan ng edukasyon ang mga bata.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.