Qatar iginiit na walang batayan ang alegasyon ng pitong Gulf Arab states
Walang lehitimong batayan ang mga bansang Saudi Arabia, Egypt, United Arab Emirates, Bahrain, Yemen, Libya maging ang Maldives upang isara ng mga ito ang pinto at putulin ang relasyon sa Qatar.
Ito ang reaksyon ng Qatari government matapos ianunsyo ng pitong bansa na pinuputol na nito ang diplomatic relations sa naturang Gulf State.
Giit ng Qatar government, nakabase lamang ang naging pasya ng pitong bansa sa mga walang basehang alegasyon na sila’y nagkakanlong at sumusuporta sa mga extremist groups.
Ang tanging nais lamang aniya ng mga ito ay ang kontrolin ang Qatar na isang paglabag sa kasarinlan ng kanilang bansa, batay pa sa naturang statement.
Una rito, inakusahan ng pitong Gulf Arab states ang Qatar na pinoprotektahan ang ilang terrorist at mga sectarian groups na gumagawa ng mga hakbang upang guluhin ang Gulf region.
Matapos ang desisyon, agad na isinara ng Saudi Arabia, Egypt at iba pang bansa ang kanilang border patungong Qatar.
Maging ang byahe ng eroplano at mga sea vessels ay hindi na rin magtutungo sa Doha, na kapitolyo ng Qatar.
Ipinag-utos naman ng UAE sa mga Qatari citizens na lisanin ang kaharian sa loob ng 14 na araw.
Ilang insidente naman ng panic buying ang napaulat sa Qatar dahil sa pagputol ng diplomatic ties ng pitong bansa.
Bumulusok naman pababa ang Qatari stocks matapos ang anunsyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.