Pia Wurtzbach, tinawag na sinungaling ng pamilya ng kaniyang ama

 

Inakusahan ng naging sunod na pamilya ng kaniyang ama si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach ng pagiging sinungaling.

Ito’y matapos maipalabas sa telebisyon kamakailan ang episode ng drama anthology na Maalaala Mo Kaya tungkol sa buhay ni Pia.

Galit na nagpost ang isan Robie Asingua sa Facebook tungkol sa aniya’y pagiging sinungaling ni Pia at paggawa ng maling kwento tungkol sa kaniyang ama.

Sa naturang episode kasi ay lumabas na humingi ng pera sa beauty queen ang kaniyang ama para sa kaniyang pagpapagamot.

Gayunman, pinasinungalingan ito ni Asingua at iginiit na kailanman ay hindi humingi ng pera kay Pia ang kaniyang ama.

Sa nasabi ring episode ay ipinakita na kaya naghiwalay ang mga magulang ni Pia ay dahil nagkaroon ng ibang babae ang kaniyang ama, pero ayon kay Asingua, ang ina ni Pia ang nagkaroon ng relasyon sa isang kapitbahay.

Sa mga comments sa posts, kinumpirma ni Asingua na naging mister niya ang ama ni Pia, at na ang kaniyang anak ay kapatid ni Pia sa ama.

Napuno rin ang nasabing half-brother ni Pia at naglabas rin ng hinanakit sa social media.

Nagalit si Alexander Wurtzbach dahil aniya, hindi na dapat dinadamay pa ang isang taong pumanaw na.

Hinamon niya pa si Pia na palitan ang kaniyang apelyido kung hindi niya talaga gusto ang kanilang ama, kasunod ng pagsasabi rin na sinungaling ang beauty queen.

Sa ngayon ay hindi pa naglalabas si Pia ng kaniyang komento tungkol sa isyu.

Read more...