US ambassador, tinawag na “corrupt” ang UN-HRC

 

Tinawag na “so corrupt” ni US ambassador to the United Nations Nikki Haley ang Human Rights Council ng organisasyon.

Ginawa niya ito sa kauna-unahang beses na pagharap niya sa isang meeting sa Geneva, kung saan siya sumaglit habang papuntang Middle East.

Dahil sa kaniyang pahayag, inaasahang tatatak ito sa sesyon ng council lalo na’t kilala ang US bilang key human-rights defender at pinakamalaking donor sa United Nations.

Gayunman, mula nang maupo si US President Donald Trump, nag-iba na ang ihip ng hangin dahil pinag-iisipan na niyang bawasan ang pagbibigay ng Amerika ng pondo sa mga international organizations tulad ng UN.

Ayon kay Haley, dapat itigil na ng council ang pag-puntirya sa Israel tungkol sa human rights violations dahil may mga paglabag sa karapatang pantao din na umiiral sa marami pang ibang bansa.

Nanawagan rin si Haley na magkaroon ng “competitive voting” upang mapigilan ang mga matitinding human rights abusers na makakuha ng posisyon.

Katwiran niya pa, nabubura na ang ideya ng international cooperation sa pagsuporta sa human rights kung dumarami rin ang mga miyembro ng human rights body na pawang mga diktador.

Kabilang sa mga miyembro ng konseho ay ang Burundi, China, Congo, Cuba, Egypt, Ethiopia, Pilipinas, Saudi Arabia at Venezuela.

Pawang may mga bahid sa human rights records ang mga nasabing bansa, ngunit nagkaroon sila ng posisyon sa konseho dahil sa sistema ng regional blocs.

Samantala, sinabi naman ni Secretary of State Rex Tillerson na hindi maglalagay ng bagong kinatawan ang Amerika sa konseho hangga’t hindi ito sumasailalim sa “considerable reform.”

Read more...