Mariing binatikos ni Senador Sonny Angara ang paggamit ng Maute terror group sa mga bata sa nagaganap na sigalot sa Marawi City.
Ayon kay Angara, kailangang kumilos ang pamahalaan at magtulong-tulong ang iba’t-ibang ahensya upang mapigilan ang teroristang grupo na magamit ang mga bata sa kanilang iligal na operasyon
Paliwanag ni Angara, nakaka-alarma na pati ang mga batang walang kamalay-malay ay nadadamay sa gulo sa Marawi kung saan nire-recruit umano ang mga ito at hinihimok sa pakikilahok sa bakbakan sa pagsasabing yun ang daan tungo sa kaligtasan
Ang iba aniya ay pwersahang pinasasama ng mga bandido at kadalasang tinatarget nila ay ang mga naulila o anak ng mga bandido na napatay sa sagupaan.
Dahil dito, hinimok ni Angara ang mga sundalo at mga lokal na opisyal na magkaisa upang iligtas ang mga bata sa gulong nangyayari sa Marawi City kasabay nang paalala na ang Pilipinas ay signatory ng Convention on the Rights of Child na naglalayong protektahan ang mga bata laban sa anumang giyera o pakikipag-bakbakan.