Nauwi sa tensyon ang isinagawang pagkilos ng grupo ng mga tsuper at operators sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City.
Ito ay matapos na makasagutan ng mga nagpoprotesta ang mga tauhan ng ahensya.
Nagsagawa ng programa ang mga miyembro ng Pinagkaisahang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) sa harap ng LTFRB office sa East Avenue, Quezon City, bilang bahagi ng kanilang pagtutol sa phase-out sa mga lumang jeep.
Habang nagsasagawa ng programa, napansin ng mga miyembro ng Piston na may mga tauhan ng LTFRB na naglilista ng plaka ng mga sasakyang ginamit ng mga nagpoprotesta.
Kinuwestyon naman ng Piston ang mga naglilistang tauhan ng LTFRB dahilan para magkasagutan ang dalawang kampo.
Agad din namang pumayapa ang sitwasyon matapos na lumabas si LTFRB Board Member Aileen Lizada para makipag-usap sa grupo.