Pahayag ng Indonesian Defense Minister na may 1,200 ISIS sa bansa, itinanggi ng AFP

Pumalag ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pahayag ng Defense Minister ng Indonesia na mayroong 1,200 na miyembro ng ISIS sa Pilipinas.

Ayon kay AFP spokesperson, B/Gen. Restituto Padilla, hindi totoong nasa mahigit isang libo ang miyembro ng international terrorist group sa bansa.

Gayunman, kung matatandaan makailang beses nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakapasok na nga sa bansa ang ISIS.

Katunayan sinabi ng pangulo na “purely ISIS” ang nakakabakbakan ng tropa ng pamahalaan sa Marawi City.

Sa international security forum sa Singapore, sinabi ni Defense Minister Ryamizard Ryacudu na sa 1,200 IS members na nasa Pilipinas ay mayroong 40 na dayuhan na galing sa Indonesia.

Hinikayat din ni Ryacudu ang pagkakaroon ng full-scale cooperation ng mga bansa sa Southeast Asia para labanan ang terorismo.

Ayon naman kay Department of National Defense (DND) Undersecretary Ricardo David na dumalo din sa nasabing forum, nasa 250 hanggang 400 lamang ang alam nilang bilang ng ISIS sa bansa.

Pero totoo aniyang may mga dayuhan na kabilang sa mga umatake sa Marawi at mayroong walo sa kanila ang napatay ng tropa ng pamahalaan.

 

 

Read more...