Wala nang balak si Pangulong Rodrigo Duterte na makipag-usap pa sa Maute terror group.
Kabilin-bilinan ng pangulo sa mga militar, walang rebeldeng Maute ang dapat na hayaang makalusot sa kanila.
Giit ng pangulo, marami nang nalagas sa kaniyang mga sundalo at pulis dahil sa pag-atake ng Maute Group sa Marawi City, at huli na ang lahat para pag-usapan pa ang pakikipag-ayos.
Ayon kay Duterte, hindi na siya makikipag-usap sa Maute kahit ano pang sabihin ng mga pinuno nito dahil iniutos na niya sa militar na dalhin sa kaniya ang ulo ng mga ito.
Una nang sinabi ng pangulo na handa siyang makipag-usap sa Maute Group para sa ikatitigil ng gulo ngunit binawi na niya ito.
Aniya pa, sinimulan ng Maute ang gulo at hindi niya ito balak hayaan lang.
Banta pa ng pangulo, magkaubusan na lang at wala nang atrasan para matapos na.
Sa kaniyang pahayag sa Lapu-Lapu City sa Cebu, nabanggit niya rin ang tulong na inialok ng National Democratic Front of the Philippines na tumulong sa paglaban kontra Maute Group.
Gayunman, inamin ng pangulo na hindi niya muna ito tatanggapin sa ngayon, pero nilinaw na handa pa rin siyang i-integrate sa militar ang mga rebeldeng New People’s Army at Moro National Liberation Front na susuko sa gobyerno at ibibigay ang kanilang mga armas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.