NBI, pasok na rin sa imbestigasyon sa Resorts World tragedy
Sisilipin na rin ng National Bureau of Investigation ang mga kaganapan sa likod ng trahedya sa Resorts World Manila na nagresulta sa pagkamatay ng 38 katao.
Ipinag-utos ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa National Bureau of Investigation ang paglulunsad ng pagsisiyasat upang matukoy kung may responsibilidad ang Resorts World kaya’t nakalusot ang gunman sa kanilang seguridad.
Kung lilitaw aniya na nagkaroon ng kapabayaan ay handa ang kagawaran na sampahan ng reklamo ang sinumang mapapatunayang nagkulang sa insidente.
Nais ring malaman ng ng Kalihim kung mayroong ahensya ng gobyerno ang posibleng nagpabaya sa tungkulin at kung may dapat kasuhan ng administratibo sa mga ito.
Sa naturang trahedya, 38 ang nasawi kabilang na ang gunman na lumitaw na isang dating empleyado ng Department of Finance na nasibak sa puwesto may ilang taon na ang nakalilipas.
Ang suspek na si Jessie Carlos ay lumitaw na pinagbawalan na ring makapasok sa mga casino dahil sa pagkagumon nito sa sugal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.