Sa Biyernes, August 28, magpapatupad ng ‘zero-remittance day’ ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) para iprotesta ang naudlot na paghihigpit ng Bureau Of Customs (BOC) sa kanilang balikbayan boxes.
Ayon kay Migrante International Chairperson, Connie Bragas-Regalado, ang mga OFWs sa iba’t-ibang bahagi ng mundo ay hindi magpapadala ng pera sa kanilang mga mahal sa buhay dito sa Pilipinas sa Biyernes.
Nais aniya nilang ipakita sa pamahalaan na handa ang mga OFWs na ipakita ang kanilang pagtutol sa anumang anti-OFWs na ipatutupad ng Gobyerno. “Iba’t-ibang bahagi ng mundo ay magkakaroon ng paglunsad ng zero remittance day,” ayon kay Regalado.
Ayon pa kay Regalado, bagaman ipinahinto ni PNoy ang plano ng BOC na busisiin ang mga balikbayan boxes ng mga OFWs ay maituturing lamang itong initial victory sa panig ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Malinaw ayon kay Regalado na gagawin ng BOC ang lahat para ang P600 million na kanilang revenue target ay maabot ngayong taon at hindi pa rin maiiwasan na ang mga OFWs ang mapag-initan sa buwis.
Sa rekord ng Bangko Sentral ng Pilipinas, ang mga OFWs sa buong mundo ay nakapagpadala ng aabot sa P1.20 trillion na halaga ng remittance noong taong 2014.
Sinabi ng Migrante na tiyak na mararamdam ng pamahalaan ang impact ng gagawing zero remittance day ng mga OFWs sa Biyernes./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.