Buong CCTV footage ng insidente sa Resorts World Manila, isinapubliko

Sa kauna-unahang pagkakataon, ipinakita na sa publiko ang CCTV footage kaugnay sa pag-atake ng isang lalaki sa Resorts World Manila.

Bandang 12:07 am ng hatinggabi ng June 2, makikita ang suspek na may dalang itim na backpack at bumaba ng taxi sa drop of area ng hotel kung saan hindi makikita na may dala itong baril at gasolina.

Ayon kay NCRPO Director Oscar Albayalde sa San Lazaro, Manila sumakay ang suspek.

Aniya ay diretso ang pagsasalita ng Tagalog ng suspek.

Sumakay ng elevator at may nakasabay pang dalawang babae dito.

Sunod dito ay bumaba ito sa second floor at dumiretso sa parking area.

Dito na naglagay ang suspek ng mask sa mukha, nagsuot ng ammunition vest at naglabas ng rifle mula sa dalang itim na backpack.

Dakong 12:11 am ng hatinggabi, pumasok ang suspek sa mall sa pamamagitan ng parking area sa second floor.

Pagpasok nito sa mall ay nilagpasan nito ang metal detector kung saan dahil dito ay sinita ito ng isang security personnel subalit iwinasiwas nito ang kanyang dalang M4 rifle na fully automatic assault weapon.

Sa unang pagpapaputok pa lamang ng suspek ay agad nang tumawag sa pulis ang security personnel.

Habang naghihintay ng back up na mga pulis ay agad na inilikas ng Resorts World Manila ang 12,154 na bisita ng hotel sa Newport Entertainment Complex.

Habang ini-evacuate ay nagsisigaw na ang mga guest ng “ISIS” dahilan para mag-panic.

Banda namang 12:12 am ng hatinggabi, pumasok ang suspek sa Prosperity Court habang nagpapaputok ng baril at binuhusan ng dalang nitong gasolina ang tatlong gaming table sa second floor at sinunog.

Pagkatapos nito, pumasok ito sa gaming salon at nagsunog muli ng gaming table bago tumuloy sa Bar 180 area.

Muli itong nagpaputok ng baril at sinunog ang dining area pati na ang ilang slot machines.

Dakong 12:18 am ng hatinggabi, pumasok naman ang suspek sa likod ng house area sa second floor pa rin at ilang pinto dito ang sinubukang buksan hanggang sa mapasok nito ang chip bank room.

Walang nakitang cash ang suspek kung kaya pinagbalingan nito ang casino chips.

Pinili ng suspek ang mga chips na may malaking halaga na may kabuuang umabot sa 113 milyong ang kinuha ng nito at inilagay sa dala nitong itim na backpack.

Bandang 12:20 am, dito na dumating ang mga pulis at agad na itinuro ng security personnel sa mga ito ang kinaroroonan ng suspek.

Dakong namang 1:10 am ng madaling araw nakita ang suspek sa staff basement at agad na nakipagpalitan ng putok sa mga pulis at securty personnel kung saan natamaan ito.

Sa CCTV footage, makikita na dumudugo na ang kaliwang pisngi nito at nanghina dahil sa tama.

Sunod dito ay nagpahinga sa hagdanan ang suspek at iniwan ang dala nitong backpack.

Bandang 1:43 am, tinangka ng suspek na tumakas na pero dahil sa pagtugis ng mga pulis, napilitan ang suspek na umakyat sa 5th floor lobby.

Dakong 1:46 am, pilit nang pinasok ng suspek ang room 510 sa pamamagitan ng pagbaril sa door knob nito.

Ilang saglit nito ay makikita ang suspek na lumabas pa at nagsunog ng tela sa lobby.

Kalaunan ay nakita ang bangkay ng supek na sunog na.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Bureau of Fire Protection National Capital Region Senior Supt. Rico Kwan Tiu na sinusuri na ng kanilang hanay kung nakasusunod ba ang Resorts World Manila sa fire safety standard.

Ayon kay Stephen Reilly ang Chief Operating Officer ng Resorts World Manila, na bukod sa pag-ako sa gastusin sa burol at pagpapalibing ay magbibigay rin ang kanilang hanay ng tig-isang milyong pisong tulong sa bawat pamilya ng mga nasawi.

Sinabi naman ni Albayalde na kung pagbabasehan ang CCTV footage, walang bahid ng terorismo ang insidente sa Resorts World.

Wala kasi aniyang pattern ng pamamaril sa mga bisita ng hotel na karaniwang ginagawang marka ng mga terorista.

Gayunman, sa report na ipinalabas ng Pasay PNP, lima sa mga biktima ang may tama ng baril.

Hindi pa matiyak ng mga pulis kung saang galing ang bala na tumama sa mga biktima, kung ito ba ay nagmula sa suspek o sa mga pulis.

Pero ang malinaw, hirap ang mga naiwang pamilya ng mga nasawi kung paano tatanggapin ang kalunus-lunos na insidente.

Read more...