Higit 182 sibilyan, nailigtas sa Marawi City

Nailigtas na ang 182 indibidwal na naipit sa nagpapatuloy na gyera ng tropa ng pamahalaan at Maute terror group sa Marawi City, Lanao del Sur.

Nasagip ang mga sibilyan ng mga sundalo katuwang ang ilang opisyal mula sa kapitolyo ng probinsiya at mga non-government organizations sa dalawang magkahiwalay na lugar sa lungsod.

Samantala, patay ang isang sibilyan matapos barilin ng sniper ng teroristang grupo habang papalapit ito sa militar.

Dahil dito, aabot na sa 1,236 sibilyan ang nailigtas sa kaguluhan sa Marawi habang 20 naman ang kumpirmadong bilang ng namatay na Maute group members.

Ayon sa mga naligtas, nakaranas sila ng pagkagutom, uhaw at walang tulugan dahil sa takot na maaaring sapitin ng kanilang buhay.

Ayon kay Western Mindanao Command commander Lt. Gen. Carlito Galvez, responsibilidad ng militar na pag-igihin ang pagsagip sa mga nananatiling residente sa lungsod.

Aniya, mahigpit nilang sinusuyod ang mga kalsada, establisimyento at maging ang kwarto upang mabalik ang kapayapaan sa naturang lungsod.

Dagdag pa nito, umaasa aniya sila ng maagang resolusyon upang makabalik na sa normal na pamumuhay ang mga Maranao.

Samantala, kinondena naman ni Brig. Gen. Rolando Joselito Bautista, Task Force Marawi commander, ang pagpatay ng teroristang grupo sa mga sinasagip na sibilyan.

Hinihikayat rin nito ang pagkakaisa ng mamamayang Pilipino labas sa terorismo.

Sa tala ng AFP, 120 terorista na ang patay kung saan 42 rito ang narekober, ang iba ay kinumpirma ng mga nakasaksi habang siyam naman ang sumuko.

Sa hanay ng mga sundalo, tatlumpu’t walo na ang patay.

Read more...