Pinabulaanan ni Trade Secretary Ramon Lopez ang lumalabas na mga ulat kaugnay sa paglobo ng presyo ng mga bilihin sa Lanao del Sur sa kabila ng idineklarang price freeze.
Sa isang text message, sinabi ni Lopez na normal ang suplay at presyo ng bilihin sa mga karatig-bayan ng Marawi City maging sa Iligan at Cagayan de Oro.
Nilinaw rin ng Trade secretary na walang katotohanan ang mga ulat na mula sa dalawang libo, pumapalo na sa lima hanggang anim na libo ang kada sako ng bigas sa mga kalapit-bayan ng lungsod.
Aniya pa, sinabi ni Regional Director 10 Linda Boniao na hindi ito totoo batay na rin sa isinagawang inspeksyon sa mga pamilihan.
Kaugnay nito, siniguro ng kalihin na araw-araw mag-iinspeksyon ng ahensiya sa mga bayan upang hindi maabuso ang mga apektadong residente sa Mindanao.
Magdadagdag rin aniya ng monitoring team ang ahensiya upang masigurong nasusunod ang implementasyon ng price freeze.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.