P13-M ‘luxury cars’ ng pamahalaang lokal ng San Pedro City, Laguna, kinuwestiyon ng COA
Binatikos ng Commission on Audit ang pagbili ng 18 mamahaling sasakyan o ‘luxury cars’ ng pamahalaan ng lungsod ng San Pedro sa Laguna na nagkakahalaga ng 13-milyong piso bilang service vehicles ng mga barangay captains nito lamang nagdaang taon.
Sa inilabas na audit ng COA sa kanilang website ngayong buwan, lumalabas na lumabag sa Department of Interior and Local Government (DILG) Memorandum Circular No. 2014-47 ukol sa pagpapa-apruba ng mga bibilhing sasakyan, at na dapat hindi hihigit sa 2,200cc ang engine displacement kung ito ay ginagamitan ng gasolina at 3,000cc naman kung diesel.
Napagalaman ng COA na ang pagbili ng 18 units ng Hyundai Accent noong April 2014 na may kabuuang halaga na P13,332,240 at pumapatak na P740,680 kada isa ay hindi aprubado ng kagawaran.
Iginiit naman ni City Accountant Lorna Andigan na hindi niya alam ang circular na mula sa DILG ukol sa pag-bili ng mga sasakyan kahit na ito ay inilabas noong 2013 pa.
Lahat ng mga kapitan ng barangay ay nakakuha ng bagong sasakyan, maliban na lamang sa kapitan ng Barangay San Antonio.
Pagdating ng September 2014, bumili ulit ang pamahalaan ng bagong Nissan Frontier Navarra Brute na nagkakahalagang P1,203,750 para maging service vehicle ng city community affairs officer na si Cristina Santos.
Dagdag pa sa mga maanomalyang transaksyong ito, bumili rin sila ng solar devices na nagkakahalagang P4,525,000, 22 units ng Honda motorcycles sa halagang P962,000 at surveying equipment sa halagang P370,000.
Ang lahat ng mga transaksyong ito, mula sa mga ‘luxury cars’ hanggang sa surveying equipment, ay hindi dumaan sa tamang proseso ng public bidding, kundi sa “direct contracting” na mariing kinukundena ng COA dahil ang ganitong proseso ay hindi nangangailangan ng madetalyeng dokumento.
Nagiging hadlang din ang ganitong proseso sa pagkakaroon ng “transparency, accountability, efficiency and economy in the use of government resources” ayon sa COA.
Pinayuhan ng ahensya ang lokal na pamahalaan na iwasan ang ganitong paraan ng pagbili ng mga kagamitan maliban na lamang kung kailangang-kailangan talaga, at unahin pa ring gamitin ang paraan ng public bidding.
Inatasan na rin sila ng ahensya na mag-pasa ng “authority to purchase” mula sa DILG secretary para sa mga sasakyang binili, at isailalim ito sa pagsusuri ng COA./Kathleen Betina Aenlle
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.