Sa talumpati ng pangulo sa 102 Infantry Brigade sa Ipil, Zamboanga Sibugay, sinabi nito na hindi na bale na gumastos ng malaki o madoble ang halaga ng gastos ng gobyerno masiguro lamang na mabibigyan ng magandang armas ang mga sundalo.
Sa ilalim aniya ng kanyang administrasyon, wala nang mga bulok o pupugak pugak na barko o military assets ang military.
Target din ng pangulo na bumili ng labing dalawang bagong jet plane.
Sa ngayon aniya, mayroon nang sampung jet plane ang militar.
Dalawang bansa lamang aniya ang bibilhan ng Pilipinas ng armas.
Gayunman, hindi na tinukoy ng pangulo kung anong mga bansa ang bibilhan ng armas ng Pilipinas.
Sinabi pa ng pangulo na mananalo ang gobyerno laban sa extremism, gayunman hindi aniya maiiwasan na malagasan ng buhay.
Aminado ang pangulo na masakit din sa kalooban na patayin ang kapwa Pilipino, sibilisadong bansa aniya ang Pilipinas at disiplanado ang mga sundalo at marunong magpahalaga ng buhay ng tao.
Tiniyak na rin ng pangulo na sasagutin na ng gobyero ang pag-aaral ng mga anak ng mga sundalo.
Sa kasalukuyyan, nakakalap na aniya ng dalawampung bilyong piso na ipangtutustos sa pag aaral ng mga anak ng sundalo.
Target ng pangulo na makalikom ng 50 bilyong piso.