Inirekomenda ni Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano kay Pangulong Rodrigo Duterte na limitahan sa Lanao del Sur ang pagpapatupad ng batas militar.
Ayon kay Alejano, marapat na ituon na lamang ng Pangulo ang pagpapairal ng martial law sa Lanao del Sur dahil wala namang gulo sa ibang lugar sa Mindanao.
Sinabi ng mambabatas na kahit magkaroon pa ng spill over sa ibang lugar sa Mindanao ay kaya na ito ng mga awtoridad dahil sa mga nakaposisyon ng pulis at militar.
Mayroon naman din anyang mga nakalatag na intelligence mechanism at mga nakakalat na intelligence operatives sa buong Mindanao kaya malabong malusutan ang gobyerno.
Magugunitang kahapon ay pinagtibay ng Kongreso ang proclamation 216 ng pangulo na nagpasailalim sa buong Mindanao sa martial law na tatagal sa loob ng 60 araw.