Isang batalyon ng Philippine Marines ang ipinadala bilang karagdagang-pwersa sa Marawi City.
Mahigit 400 opisyal at miyembro ng Marine Battalion 7 ang nag-martsa kanina sa grounds ng Villamor Air Base para sa kanilang send-off ceremony.
Ayon kay Capt. Ryan Lacuesta, director ng Philippine Marines Public Affairs Office, ang naturang tropa ay ipinadala sa Marawi City upang tumulong sa pagpuksa sa ISIS-supporters na Maute group na naghasik ng kaguluhan sa lungsod.
Kabilang ang 391 na enlisted officers, at 17 opisyal ng Marine Battalion 7 na ililipad sa sakay ng tatlong C-130 airplanes.
Didiretso ang mga tropa sa Western Mindanao Command sa Cagayan de Oro City, at doon sila bibiyahe patungong Marawi City.
Ang naturang battalion ay kagagaling lamang sa retraining sa headquarters ng Marines sa Taguig at sa Marine Base sa Ternate, Cavite.
Paliwanag ni Capt. Lacuesta, regular lamang nilang ginagawa ang pagpapadala ng tropa sa Mindanao, at maging sa iba pang lugar ng bansa, bilang bahagi ng kanilang ‘rotation’ sa deployment.
Ayon kay Lacuesta, ibabalik naman dito sa Maynila ang isa pang battalion upang dito naman sumailalim sa review ng Technique at Tactical Procedures.
Ayon kay Brig. Gen. Alvin Parreño, Deputy Commandant ng Philippine Marine Corps aabot na sa tatlong battalion ng Marines ang nasa Marawi City sa ngayon.
Paalala naman ni Parreño sa mga Marines, huwag kalimutang respetuhin ang karapatang-pantalo lalo na ngayong nasa ilalim ng Martial Law ang buong rehiyon ng Mindanao.