MILF tutulong sa pagtataguyod ng mga ‘peace corridor’ para sa mga naiipit na residente ng Marawi

 

Tutulong ang Moro Islamic Liberation Front sa pamahalaan upang makapagtaguyod ng mga ‘peace corridor’ para sa mga residente ng Marawi na tumatakas sa kaguluhan sa naturang lungsod.

Sa mga itataguyod na ‘peace corridor’ idadaan ang mga humanitarian operations para sa mga taga-Marawi na napilitang iwan ang kanilang mga tahanan dahil sa terorismong ginagawa ng Maute group.

Ayon kay Presidential spokesperson Ernesto Abella, nabuo ang naturang plano sa pakikipag-usap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa MILF nitong Lunes.

Ang chairperson aniya ng implementing panel ng gobyerno na si Irene Santiago ang mangangasiwa ng mga humanitarian mission.

Paliwanag naman ni Santiago, sa mga bubuuing peace corridor, ay maaring dalhin ang mga naiipit na sibilyan.

Dito rin idadaan ang mga nasusugatang residente at maging ang proseso ng pag-rekober sa mga bangkay ng mga nasawi sa kaguluhan.

Sa pinakahuling tala, umaabot sa 92,628 reidente ng Marawi City ang apektado ng kaguluhan sa lungsod.

Read more...