Nagpalabas ng listahan ng mga presyo ng mga school supplies ang Department of Trade and Industry para sa mga magulang na bibili ng mga gamit ng mga estudyante ngayong malapit na ang pasukan.
Ito ang inanunsiyo ng DTI para sa presyo ng mga gamit pang-eskuwela ngayon magsisimula muli ang mga klase sa darating na Lunes, Hunyo a-singko.
Sinabi ni Lilian Salonga, Officer in Charge ng Consumer Protection and Advocacy Bureau ng DTI, may naobserbahan silang pagtaas ng ilang gamit mula 25 sentimos hanggang P2.00.
Kaya upang makatulong sa mga mamimili, nagpalabas ang kagawaran ng expanded price guide para sa mga school supplies na ipapaskil sa mga pangunahing pamilihan at sa website ng DTI.
Ito ang magiging gabay ng mga magulang at estudyante lalo na ang may limitadong budget lang para sa mga gamit pang-eskuwela.
Nanawagan ang DTI na ilista ang lahat ng gamit na bibilhin bago pupunta sa mga pamilihan at mamili na ng maaga para maiwasan ang siksikan.