Pagsuporta ng mga senador sa martial law, ikinatuwa ng Malacañang

 

Nalulugod ang Malacañang sa pag-suporta ng 15 senador sa pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law sa Mindanao.

Ayon kay presidential spokesperson Ernesto Abella, mabilis na gumawa ng aksyon ang pangulo upang agad na masupil ang rebelyon at terorismo sa Marawi, at para na rin mapigilan ang pagkalat pa nito sa Mindanao.

Gayunman aniya, hindi ito kayang gawin nang mag-isa ng executive branch, at kailangan din nila ang suporta ng buong pamahalaan, maging ng publiko upang maibalik ang kapayapaan at kaayusan sa Mindanao.

Samantala, bagaman bumoto ang minority bloc laban sa resolusyon ng pagsuporta sa martial law, iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na suportado nila ang laban ng pwersa ng pamahalaan sa kaguluhan sa Marawi City.

Ipinaliwanag naman ni Drilon na kaya sila hindi pumirma sa resolusyon ay dahil hindi ito nananawagan ng joint session ng Kongreso upang matalakay nang buo ang proklamasyon ng martial law.

Read more...