Sa panayam ng Associated Press (AP) kay AFP Chief, Gen. Eduadro Año, sinabi nitong sadyang nais ng Maute group na maiparating na may sangay na ng Islamic State (IS) sa Pilipinas.
Ito aniya ang dahilan kaya’t naging handa ang Maute group nang tangkain ng militar na dakpin ang Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon na noo’y namataan sa Marawi City.
Gayunman, giit ni Año, ilang sandali na lamang ay kanila nang malilinis ang lungsod ng mga miyembro ng Maute.
Samantala, sa isang report na inilabas ng Institute for Policy Analysis of Conflict na nakabase sa Jakarta, Indonesia noong nakaraang taon, nagbabala ang ilang eksperto sa posibilidad na magsilbing ‘stronghold’ ng Islamic State ang Mindanao.
Ito ay matapos na humina ang puwersa ng Islamic State sa Syria at Iraq dahil sa ilang taon nang pakikidigma sa Allied forces na pinangungunahan ng Amerika.
Ayon sa mga eksperto, posibleng maghanap ng ibang mapagtataguan ang mga Southeast Asian fighters na tumatakas mula sa Middle East, at isa sa mga lugar na posibleng kanilang takbuhan ay ang Mindanao.