Ilan pang mga umano’y dummy ng pamilya Binay, pinaaresto na rin ng Senate Blue Ribbon sub-committee

 

Inquirer file photo

Ipinaaresto na rin ngayon ng Senate Blue Ribbon sub-committee sina Dr. Jack Arroyo na dummy umano sa isang nursing school ng University of Makati, Lauriano Gregorio na umanoy may-ari ng Hacienda Binay sa Batangas at Margaret Licknok na asawa ni Gerry Limlingan na umanoy bagman ni Vice President Jejomar Binay.

Sa meeting na ginawa ngayon ng committee, inatasan ni Senador Teofisto Guingona ang director- general ng Senado na agad nang isilbi ang arrest order laban kina Erlinda Chong, Kimsfer Chong, Kim Tun Chong at Irene Chong na umano’y dummy ng mga Binay sa pagbebenta ng mga cake sa Makati .

Agad ding ipinaaresto ng BRC ang mag-asawang James at Lorraine Tiu na mga campaign donor umano ni Binay.

Hindi naman kinagat ni Senador Koko Pimentel ang apela ng magasawang Tiu na i-excuse sila sa pagdinig ng senado dahil sa nanganganib ang kanilang buhay.

Unang iginiit ng mag asawang Tiu na may mga armadong lalaki ang nagtangkang humarang sa kanilang sasakyan sa bahagi ng Katipunan Quezon City.

Pero ayon kay Pimentel, madaling gumawa ng mga ganitong senaryo.

Mas mabuti aniya na magpakita ng ‘police blotter’ ang mag-asawang Tiu para patunayan ang kanilang palusot./ Chona Yu

 

 

Read more...