‘Kabuuang 497 na ang naililigtas na sibilyan sa Marawi City’ – AFP

Umaabot na sa halos limangdaan ang nailigtas na sibilyan na naiipit ng gulo sa Marawi City.

Sa panayam ng Radyo Inquirer,  sinabi ni Armed Forces of the Philippines spokesman Brigadier General Restituto Padilla na may isandaan at apatnapu’t isa na ang na-rescue ng tropa ng pamahalaan mula sa lungsod.

“Hindi po advisable na bumalik ang ating mga kababayan hangga’t walang opisyal na pahayag tungkol dito. Iniiwasan po natin na madagdagan pa ang collateral damage or loss of innocent lives dahil sa mga nagpipilit na maiwan sa loob. Kaya nga po ang prayoridad natin ay i-rescue ang mga naiipit sa loob,“ ani Padilla.

Sa kabuuan, sinabi ni Padilla na nasa kabuuang 497 ang mga sibilyang na-rescue.

Nanatili naman sa labingwalo ang nasawi sa panig ng pamahalaan kabilang ang labinlimang sundalo at tatlong pulis.

Aabot naman sa animnapu’t isa ang napapatay sa panig ng armadong grupo.

Tumanggi naman si Padilla na magbigay ng detalye sa kanilang operasyon habang nagpapatuloy ang opensiba.

“Ang aming pong panawagan, ibigay lang ng taumbayan ang kanilang full cooperation sa ating ginagawang security measures at makaka-asa po sila na ang lahat ng ating ginagawa ay para sa kabutihan ng lahat.  Ang atin pong pakay ay ibalik ang rule of law at ibalik sa normal ang lahat at lipulin ang lahat ng masasamang loob na nanggugulo sa lugar na yan,“ dagdag pa ni Padilla.

Read more...