Militar, handang makipagtulungan sa mga rebelde para masugpo ang mga terorista sa Mindanao

File photo

Handang tumanggap ng suporta ang Eastern Mindanao Command mula sa mga rebelde at maging sa New People’s Army kung kinakailangan para malabanan ang terorismo sa Mindanao.

Itoy’ kasunod ng anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa siyang mag-recruit ng mga rebelde para maging katuwang ng tropa ng pamahalaan sa pagsugpo sa mga terorista na naghahasik ng karahasan sa Mindanao, partikular sa Marawi City.

Ayon kay Lt. Gen. Rey Leonardo Guerrero, commander ng Eastern Mindanao Command, welcome sa kanila ang anumang suporta o tulong na maaaring ibigay ng mga rebelde sa Armed Forces of the Philippines, lalo na ngayon na tila inookupa ng mga terorista ang Marawi City.

Sa pagbisita ni Pangulong Duterte sa Sulu noong Sabado, humingi ito ng tulong mula sa mga rebelde at nag-alok pa ng mga pribilehiyo kung tatanggapin ang kanyang imbitasyon.

Sa ngayon, ani Guerrero, humiling na sila ng karagdagang batalyon mula sa AFP para matiyak naman ang seguridad sa Davao City, na hometown ng pangulo.

Bago pa man ilagay ni Duterte sa ilalim ng Martial Law ang Mindanao, dumating na ang 16th Infantry Battalion sa Marawi City para tumulong sa counterinsurgency operations ng militar laban sa Maute terror group.

Read more...