Mga miyembro ng Gabinete, ipapatawag sa Kamara kaugnay ng martial law

House of Representatives

Ipinapatawag ng Kamara sa isang executive session ang ilang mga miyembro ng Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte at ilan pang opisyal.

Matapos magpulong ang Committee on Rules ng Kamara kaugnay sa report ni Pangulong Rodrigo Duterte may kaugnayan sa deklarasyon ng Martial Law at suspension ng privilege of the writ to habeas corpus sa Mindanao hiniling ni House Majority Leader Rodolfo Parinas na i-convert ang Kamara bilang Committee of the Whole.

Tinutulan ito ng ilang mga mambabatas sapagkat ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, kailangan na magkaroon ng joint session ang dalawang kapulungan ng Kongreso na itinatadhana ng Saligang batas na kinontra naman ni Farinas.

Ayon kay Lagman, mapagkakaitan ang publiko na malaman ang tunay na dahilan ng deklarasyon ng martial law bukod pa sa hindi rin anya malalantad na walang basehan ang nasabing deklarasyin ng pangulo.

Sinabi ni Lagman na hindi rin maba-validate ang saloobin ng mga kasapi ng dalawang kapulungan kung hindi magkakaroon ng joint session.

Sa huli sa naging botohan, pinagpasyahan ng mayorya ng mga kongresista na maging committee of the whole sila at magkaroon ng executive session sa briefing ng mga kinatawan ng adkinistrasyon.

Bukas naman daw si Farinas na ibukas sa publiko ang pagdinig pero kung may kaugnayan sa national security ang pag-uusapan kailangan ng isang executive session.

kabilang sa mga ipinapatawag sa Miyerkules ganap na alas nuebe ng umaga sina Executive Secretary Salvador Medialdea, National Security Adviser Hermogenes Esperon, ARMM Gov. Mujib Hataman, Court Administrator Jose Midas Marquez, mga opisyal ng Commission on Human Rights at mga kalihim ng Department of Justice, Department of Agriculture, Department of Public Works and Highways, Deaprtment of Labor and Employment, Department of National Defense, Department of Health, Department of Trade and Industry, Department of Social Welfare and Development, Department of Interior and Local Government, Department of Tourism, Department of Transportation, Department of Energy at Department of Information and Communications Technology.

Read more...