Maute Group, sangkot sa iligal na droga ayon sa PNP

Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald dela Rosa na may kinalaman nga sa kalakalan ng iligal na droga ang teroristang Maute Group.

Ayon kay Dela Rosa, bago pa man siya maupo sa kaniyang pwesto, nakatanggap na sila ng impormasyon na nagtipun-tipon ang karamihan sa mga drug lords sa Metro Manila, Luzon at Visayas sa Marawi City.

Aniya, protektado ng Maute Group at mga narcopoliticians ang mga nasabing drug lords.

Ibinunyag ito ni Dela Rosa bilang pagsuporta sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na pera mula sa iligal na droga ang sumusuporta sa pondo ng teroristang grupo.

Dagdag pa ni Dela Rosa, tila may kasunduan ang Maute at ang mga narcopoliticians na protektahan at suportahan ang isa’t isa.

Gayunman, hindi naman makumpirma ni Dela Rosa ang sinabi ng pangulo na nag-ugat ang Marawi seige bilang pag-ganti ng Maute sa raid ng drug laboratory na pag-aari ng ama ng kanilang mga lider na sina Omar at Abdullah Maute.

Read more...