Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM Gov. Mujiv Hataman na nagpapatuloy ang clearing operations sa lungsod ng Marawi dahil sa kaguluhan.
“Tuluy-tuloy ang clearing operations, at kausap din natin ngayon lang ang ground commander at maibibigay na nila sa amin ngayon kung ano cleared areas at kung ano yung hindi,” ani Hataman.
Ibinahagi ni Hataman na simula alas siyete ng gabi ng May 28, umabot na sa bilang na 14,374 na pamilya o katumbas ng 67,870 na indibiduwal ang internal displaced families o IDP sa Marawi.
Nasa 2,633 na pamilya o 16,519 na indibiduwal naman ang pinakahuling bilang ng house based evacuees.
Sa kabuuan, ang documented na IDP sa Marawi, batay na rin sa kanilang record ay umaabot sa 84,460 na indibiduwal o 7,888 na pamilya.
“Ang update natin ngayon, as of yesterday 7PM, ang total IDP o internal displaced families sa evacuation centers is 14,374 families, equivalent to 67,870 na individuals. Tapos ang total number ng house based na evacuees ay 2,633 families at equivalent to 16,519. Ang total number of IDPs, documented lang ito, I’m sure marami pa kaming hindi na-document, is 84,460 na individuals equivalent to 7,888 families,” dagdag pa ni Hataman.
Samantala, sa kanilang hotline naman, sinabi ni Hataman na pumalo na sa 3,776 ang natanggap nila na tawag ng mga stranded na residente sa mga conflict areas mula sa walumpung (80) barangay.
Sa naturang bilang aniya, 1,333 na dito ang nailigtas ng militar.
Sa kabila nito, nananawagan ang gobernador sa mga nais magbigay ng tulong na makipag-ugnayan lang sa kanilang hotline numbers na makikita sa kanilang webpage na ‘One with Marawi’.
Tumatanggap din aniya sila ng mga donasyon na maaari ipadala sa kanilang operation centers sa Iligan City o sa Cotabato City.