Turismo sa Visayas, apektado na sa sitwasyon sa Marawi

Apektado ng gulo sa Marawi City sa Lanao del Sur ang lagay ng turismo sa Visayas ngayon.

Marami kasing mga turista na ang nagkansela ng kanilang mga biyahe ayon sa mga travel agencies at online travel agents dahil sa pagkaalarma sa sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Nitong May 27 lamang ay nakatanggap na ng 53 room cancellations ang Be Grand Resort Bohol, na katumbas ng 94 na gabi.

Pawang mga reservations para sa mga buwan ng Mayo at Hunyo ang mga nasabing kanselasyon, ayon kay Ronalaine Fernandez-Sato ng nasabing resort.

Bagaman wala pang kabuuang bilang, sinabi rin ng pamunuan ng Cebu Parklane International Hotel na may mga nagkansela na rin ng booking sa kanila.

Ayon sa kanilang general manager na si Cenelyn Manguilimotan, nagsunud-sunod na ang mga ito mula nang magkaroon ng mga Abu Sayyaf sa Bohol, na sinundan ng kaguluhan sa Marawi.

Bumubwelo pa lang aniya sana sila nang mangyari naman ang bakbakan ng mga sundalo at miyembro ng Maute Group.

Karamihan sa mga turistang nag-kansela ng kanilang mga biyahe ay mula sa Korea, Japan at China.

Inaasahan pa naman ang pagdagdag sa mga kanselasyon dahil naglabas na rin ng abiso ang United Kingdom na iwasan ang pag-biyahe sa western at central Mindanao partikular na sa Marawi City.

Read more...