“Bakit kayo natatakot sa akin?”
Ito ang tahasang reaksyon ni Senador Grace Poe sa pahayag ni UNA Interim President at Navotas Rep. Toby Tiangco na hindi siya kuwalipikado pang tumakbo sa pagka-Pangulo o pangalawang-Pangulo sa darating na 2016 elections.
Sa pagharap ni Poe sa mga mamamahayag , sinabi nito na ang ganitong uri ng mga banat ay indikasyon na nangingilag na ang ang kampo ng UNA sa posibilidad na sila’y magkaharap sa pampanguluhang eleksyon sa 2016.
Iginiit ni Poe na walang batayan ang pagsisiwalat ni Cong. Tiangco na kulang pa siya sa required na 10-year residency sa bansa para makatakbo sa mas mataas na posisyon dahil taong 2005 pa lamang ay dito na siya sa Pilipinas naninirahan.
Kinwestyon din ni Poe ang ‘timing’ ng mga pahayag ni Tiangco na inilabas nito matapos siyang pumirma sa report ng Senate Blue Ribbon Subcommittee na nagrerekomenda na masampahan ng kasong plunder si Vice President Jejomar Binay.
Dahil aniya sa mga ganitong uri mga walang basehang paninira, ang dating 50 percent niyang pag-iisip kung tatakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016 ay inilalapit sa 100 percent.
Giit pa ng Senadora, “sa oras na maupo sa puwesto ang mga taong may kuwestyon sa katapatan, ay magiging paurong ang takbo ng pilipinas sa hinaharap.”
Ampon.
Mas nanaisin rin ni Sen. Grace Poe na sagutin ang mga pagpuna at pagbatikos sa isyu ng kanyang pagiging ampon nina Action King Fernando Poe Jr. at Ms. Susan Roces at panahon ng kanyang paninirahan sa bansa sa halip na mabatikos dahil sa pagiging corrupt at magnanakaw.
Banat ito ng Senadora sa kampo nina Vice President Jejomar Binay na nahaharap sa mga alegasyon ng mga anomalyang naungkat umano sa Senate Blue Ribbon Subcommittee hearing noong ito’y alkalde pa lamang ng lungsod ng Makati.
Wala aniya siyang krimeng ginagawa at wala rin siyang ninanakaw.
May karapatan din aniya ang mga batang pinulot o ampon na mangarap na manilbihan sa mas mataas na posisyon.
“Syempre interesado pa rin kong hanapin ang mga magulang ko, ang isyung ito palaging may kurot sa puso. Nagpapasalamat ako dahil may magulang na nagpalaki sa akin. Dahil ba hindi matukoy ang mga tunay na magulang ay wala na akong karapatang mag-isip na manilbihan sa mas mataas na posisyon?” Tanong ng Senadora / Jay Dones
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.