Kabado rin ang Malaysia at Indonesia dahil ang Mindanao para sa kanila ang ‘weakest security link” kung saan napakalawak ng “ungoverned space” na taguan ng mga Indonesian at Malaysian terrorists.
Noong June 2016, nirelease ng ISIS ang video na si Isnilon Hapilon ang “amir” ng lahat ng kapanalig nito sa Southeast Asia. Kasama rito ang Abu Sayaff, Maute , at ‘Katibah al-Muhajir’ ng mga dayuhang taga-Malaysia at Indonesia.
Nitong April 6, binuo ang “Jama’at al-Muhajirin wa al-Ansar bi al-Filibin” o (JMAF) ng ISIS at nag-ooperate sa Maguindanao, Cotabato at Davao sa pamumuno ng isang Esmail Abdulmalik alias Abu Turaifi. Ang layunin nila ay ideklarang ‘Wilayah al-Filibin’ at ‘Wilayah Asia Timur’ (Malay: East Asia Province) ang Mindanao upang magsilbing ISIS operations sa tinawag nitong ‘Sharq Asya’ (East Asia).
Nitong Enero, sinabi ni AFP Chief of Staff Eduardo Año na nasugatan si Hapilon at napatay ang 15 terorista kasama ang Indonesian na si “Mohisen” sa air strikes sa Butig, Lanao del Sur.
At sa Marawi city nitong Martes, Mayo 23, magsisilbi ng Arrest warrant ang 50 sundalo at pulis kay Hapilon nang maka-engkwentro nila ang maraming terorista ng Maute.
Kung susuriin, limang buwang nakatutok nag militar diyan sa Butig at sa kalapit na Marawi city, pero naging mabilis ang pagsakop ng mga terorista. Sinunog ang simbahan, eskwelahan, hinostage at dinukot ang pare at tauhan nito habang pinatay naman ang 9 sibilyang Kristyano at 8 Muslim na nilagyan ng placard na “munafik” (traydor) sa mga checkpoint.
Patuloy ang labanan ngayon doon, kung saan 44 Maute group ang napatay, 13 sundalo, 2 pulis at 45 iba pa ang sugatan.
Nabigla ako na mangyayari sa atin ang ganito na magkakaroon ng katulad na ‘ISIS stronghold’ sa Mosul sa Iraq at Al Raqqa sa Syria. Mga lugar na hanggang ngayon ay dinudurog ng mga coalition ng ibat ibang bansa. Pero bago sila malusob, pinasok muna nila ang mga karatig lugar at nagpalaki ng teritoryo. Mauulit ba ito sa atin?
Ang nakakatakot ay itong bagong order ng Daesh (ISIS) sa Rumiyah , ISIS journal ngayong buwan lang sa kanilang mga terorista. Nakawan ang mga hindi Muslim at pwede silang patayin at kunin ang kanilang ari-arian! Gumamit ng anumang aksyon, krimen, giyera o terorismo para masaktan ang ekonomya ng mga hindi Muslim at kanilang mga gobyerno.
Kung ito ngang Marawi city (Islamic city of the south) ang siya nang “caliphate” ng ISIS/Maute group , talagang kailangan at napapanahon ang martial law ni Duterte bilang “extraordinary means” para supilin ito. Anim na lugar sa Mindanao ang kilalang kuta ng 10 grupo ng mga terorista ngayon. Ang Australia na malayo sa atin, pati Singapore, Indonesia at Malaysia ay nababahala rito . Tayo pa kayang taga-Luzon at Visayas ang uupo at manonood lang sa Mindanao? Sa totoo lang , darating at darating sa Metro Manila at Luzon ang karahasan kapag hindi naagapan ngayon.