LGBT group nagpapasaklolo sa U.N para iligtas sa kamatayan ang mga gay at lesbian sa Syria

 

Inquirer.net file photo

Nagpapasaklolo na sa United Nations ang grupo ng mga gay at lesbian sa Syria at Iraq dahil sa patuloy na pagpatay sa kanilang hanay ng Islamic State Extremist Group.

Sa katatapos na meeting na U.N Security Council, isinalarawan ni Jessica Stern, executive director ng International Gay and Lesbian Human Rights Commission ang kasalukuyang kalagayan ng LGBT community sa naturang mga bansa.

Sa panayam ni Stern sa gay refugee mula sa lungsod ng Idlib sa Syria na si Subhi Nahas, ikinuwento nito ang patuloy na pananakot at pag-patay partikular na sa mga bakla.

Inilarawan ni Nahas kung paanong inihuhulog sa mga gusali ang mga napapatunayang gay at kapag nabuhay mula sa naturang parusa ay pinapaulanan sila ng mga bato hanggang sa mamatay.

Sa nakalipas na ilang buwan pa lamang mula ng maghari ang ISIS sa ilang lugar sa Syria ay umabot na sa tatlumpu ang bilang ng mga napapatay na kabilang sa LGBT group.

Bukod sa paghulog mula sa matataas na mga gusali, ilan sa kanila ay pinugutan din ulo ayon sa salaysay ni Nahas.

Kaugnay nito hinamon ni Stern ang U.N na dapat silang gumawa ng mabilis na aksyon para mailigtas sa panghihiya o kaya kamatayan ang mga miyembro LGBT community sa Syria at Iraq. / Den Macaranas

 

 

Read more...