Malaysia, suportado ang laban ng Pilipinas kontra terorismo
Nagpahayag ng buong pagsuporta si Malaysian Prime Minister Najib Razak sa Pilipinas kasunod ng pag-atake ng teroristang Maute group sa Marawi City.
Naging dahilan ng pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Martial Law sa buong Mindanao ang paghahasik ng karahasan ng Maute sa Marawi.
Sa isang tweet, sinabi ni Prime Minister Razak na kinokondena nila ang pag-atake Marawi City na nagresulta na ng pagkamatay ng ilan sa tropa ng gobyerno at paglilikas ng maraming sibilyan sa lungsod.
Kumpiyansa aniya sila na malalagpasan ito ng Pilipinas sabay alok ng kanilang buong suporta sa laban kontra terorismo.
Iginiit din ni Razak na hindi dapat maging dahilan ang kaganapan sa Marawi para madiskaril ang isinusulong na peace process sa Mindanao.
Nagsilbi ang Malaysia bilang facilitator sa peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Personal pang nagtungo sa Pilipinas si Razak noong 2014 nang lagdaan ang peace agreement kung saana naroroon din ang presensya ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.