Kinumpirma ni National Democratic Front of the Philippines (NDFP) senior adviser Luis Jalandoni na kinansela ng mga negosyador ng pamahalaan ang 5th round ng GRP-NDFP formal negotiation.
Ngayong araw sana sisimulan ang muling pag-uusap na tatagal hanggang sa June 1 sa Noordwijk sa The Netherlands.
Pero sa paunang impormasyon ay sinabi ni Jalandoni na mismong ang mga negosyador ng gobyerno sa pangunguna ni Peace Adviser Jesus Dureza ang nagsabi na kanselado muna ang peace talks.
Sa kanyang naunang pahayag, sinabi ni NDFP peace negotiator Satur Ocampo na ramdam na nila ang pag-atras ng pamahaan sa peace talks makaraan ang deklarasyon ng martial law sa buong Mindanao.
Sinabi rin ni Ocampo na ang mga pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na aatras ang pamahalaan sa peace process at ang mga media statement ni Defense Sec. Delfin Lorenzana laban sa New People’s Army ay palatandaan na hindi sinsero ang pamahalaan sa paghahanap ng kapayapaan sa hanay ng komunistang grupo.
Partikular na tinukoy ni Ocampo ang mga pahayag ni Lorenzana laban sa umano’y mga pag-atake ng NPA sa mga kampo ng militar at pulisya sa mga lalawigan.
Tinawag rin niyang kabilang sa mga “spoiler” sa peace process si National Security Adviser Hermogenes Esperon.
Si Esperon ang umano’y nagtutulak na magbaba ng armas ang mga rebelde samantalang siya rin ang nasa likod ng mga payo sa pangulo na ituloy ang pagdurog sa mga kampo ng NPA sa pamamagitan ng mga internal security operations.
Nananatili namang tahimik ang Malacañang hingil sa sinasabing kanselasyon sa 5th round ng formal peace talks na gaganapin sana ngayong araw sa The Netherlands.