CBCP nagpasaklolo sa Muslim leaders para sa dinukot na pari sa Marawi City
Nakikipag-ugnayan na ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa ilang mga Muslim leaders para matiyak na ligtas na makalalaya si Father Teresito Suganob na dinukot ng mga miyembro ng Maute group sa Marawi City.
Si Suganob kasama ang ilan pang mga sibilyan ay ginawa umanong human shield ng mga bandidong grupo sa kanilang ginawang pagtakas habang patuloy ang pagtugis ng mga militar sa grupong sumugod sa nasabing lungsod.
Pansamantala munang hindi sinabi ng CBCP kung sino sa mga lider ng simbahang katolika ang nakikipag-usap sa mga lider ng Muslim community sa Marawi City.
Nauna dito ay umapela sa pamahalaan ang mga kaanak ni Suganob na tiyaking ligtas na mailalabas sa Marawi City ang naturang pari.
Si Father Suganob kasama ang ilan pang mga biktima ay sapilitang tinangay ng mga armadong kalalakihan makaraan nilang mapasok ang Cathedral of Saint Mary sa kasagsagan ng barilan sa Marawi City. /
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.