2 Chinese, arestado sa pamimirata ng pelikula sa isang mall sa Pasay City
Kalaboso ang dalawang Chinese national matapos maaktuhang namimirata ng pelikula sa isang mall sa Pasay City.
Kinilala ang mga suspek na sina Zhu Dan, 28-anyos, at Chen Xiu Ying, 20-anyos na wala pang isang linggo mula nang dumating sa Pilipinas.
Ayon sa mga naka-duty na security guard ng sinehan, ipinapalabas ang pelikulang ‘Pirates of the Caribbean’ nang mapansin nila ang tatlong babae na nagre-‘record’ ng naturang pelikula sa kanilang mga cellphones.
Matapos nilang obserbahan, sinita na ng mga gwardiya ang tatlo, at sinabing bawal ang kanilang ginagawang pagvi-video.
Dinala sa admin office ang tatlo, upang kausapin, pero hindi nakipag-tulungan ang mga ito nang pakiusapan na buksan ang kanilang mga cellphones.
Nang dadalhin na sa presinto, naka-takbo ang isa sa tatlong mga suspect, at hindi na nahuli ng mga pulis dahil humalo na sa maraming tao.
Nahaharap ang mga suspect sa kasong paglabag sa Republic Act 10088 o ‘Anti-Camcording Act of 2010’.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.