“Black Friday protest” isasagawa sa Maynila kontra martial law
Kasado na ang plano ng mga biktima ng martial law noong kasagsagan ng rehimeng Marcos na mag-martsa sa kalsada laban sa panibago na namang bangungot na unti-unting bumabalot sa Mindanao.
Ito’y matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang martial law sa buong Mindanao dahil sa sigalot sa Marawi City.
Magsasagawa ng pagprotesta ang grupong Selda, na binubuo ng mga biktima ng martial law at political detainees, sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Magsisimula ito sa “Black Friday” protest mamaya kung saan magma-martsa sila mula sa University of Sto. Tomas, hanggang sa Mendiola sa Maynila.
Ayon kay Selda vice chair Bonifacio Ilagan, nakababahala ang mga pangyayari ngayon lalo na para sa kanilang mga nakaranas ng bangungot ng martial law.
Dahil dito, nanawagan si Selda chair Marie Hilao-Enriquez sa publiko na manatiling mapagmatyag laban sa pang-aabuso ng mga pulis at militar.
Samantala bukod sa Selda, magsasagawa rin ng Black Friday protest ang Bagong Alyansang Makabayan ngayong araw.
Sa Hunyo 12 naman o Independence Day, ikinakasa na ng mga grupong Rise Up for Life and Rights, Karapatan human rights alliance, National Union of People’s Lawyers at Bayan, ang isa pang rally na magsisimula sa Rajah Sulayman Park sa Malate, Maynila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.